IPINAGTANGGOL ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Vice President Sara Duterte sa mga batikos ukol sa pananahimik nito sa nagaganap na tensyon sa West Philippine Sea.
Sa panayam ng mga mamahayag na Pinoy sa Washington, kung saan dumalo si Marcos sa trilateral summit kasama sina US President Joe Biden at Japanese Prime Minister Kishida Fumio, sinabi ng Pangulo na hindi sakop ng trabaho ni Duterte bilang pangalawang pangulo at kalihim ng edukasyon ang China issue.
“That’s not the role of the Vice President or the secretary of education to talk about China,” aniya.
Idinagdag ng Pangulo na kung mayroong pangamba si Duterte sa pagtrato ng pamahalaan sa isyu ay tiyak didiretsahin siya nito dahil bahagi ito ng administrasyon.
“I’m very sure that if Inday Sara had some very serious misgivings about what we are doing in terms of foreign policies, she would bring that to me,” giit ni Marcos.
“Wala naman siyang [sinasabi]. Ang pinag-uusapan nga namin, sabi niya, ‘Basta ako trabaho lang ako nang trabaho,’ sabi niyang ganoon,” dagdag niya.
Noong Abril 8 ay tinanong si Duterte ukol sa ginawang pag-atake ng China sa mga mangingisdang Pinoy pero “No comment” lang ang sagot niya. Ayon sa kanya, naipaliwanag na ng kapatid niyang si Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte kung bakit tahimik siya sa isyu.
Noong March 27, ipinagdiinan ni Rep. Duterte na hindi trabaho ng kapatid na i-“demonize” ang China at iba pang bansa.