NIRATRAT ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ang mga kritiko ng administrasyon na kontra sa pagbabalik ng Reserve Officers Training Corps (ROTC) program pero gustong-gusto namang gerahin ang China.
Sa pagdinig ng Commission on Appointments ngayong araw, sinabi ni dela Rosa na tila nagtatawag ng gera ang mga anti-Duterte pero ayaw naman sa military training ng mga estudyante.
“Alam natin ang imminent threat coming from China. Nag-occupy sila sa West Philippine Sea. But marami tayong mga kababayan ngayon—matatanda man or bata—na gustong gustong makipaggiyera talaga sa China. Gustong-gusto nila,” hirit ni dela Rosa.
“They’re blaming the government for a very weak stance against China kuno at gustong-gusto nilang makipaggiyera pero ayaw naman nilang mag-ROTC,” dagdag ng senador.
Ipinunto ni dela Rosa na “China has a very strong army, a very strong reserve force and a very strong militia.”
Lumutang ang isyu ng pagbabalik ng mandatory ROTC program sa mga paaralan nang tanungin ni dela Rosa ang isang opisyal ng militar, na nakasalang sa kumpirmasyon ng CA, kung pabor ito sa nasabing training para sa mag-aaral.