TAMA lang ang naging desisyon ni Pangulong Duterte na magpahinga na mula sa pulitika.
Ito ang naging deskripsyon ni Davao City Vice Mayor Sebastian “Baste” Duterte, ang bunsong anak na lalaki ng pangulo, tungkol sa naging pahayag ng ama na magreretiro na ito sa pulitika at hindi na tatakbo sa 2022 elections.
“May edad na rin ang tatay ko, mas mabuti dito na lang siya sa Davao magpahinga,” ayon kay Baste nang matanong ng mga reporter nitong Linggo kasabay nang paghahain ng kanyang kandidatura para muling tumakbo sa pagka-bise alkalde ng syudad.
Kasabay nito, sinabi ni Baste na susuportahan niya kung anong magiging desisyon ni Davao City Mayor Sara Duterte, na una nang nagsumite ng kanyang Certificate of Candidacy para sa reelection bilang alkalde ng lungsod.
“Nangyari na ‘yung nangyari. Kung saan siya masaya, kung mas comfortable siya sa reelection, kung ano ang gusto ng kapatid ko, doon tayo, doon ako,” ani Baste.