Baby hinampas ng feeding bottle ng ama, todas

NAHAHARAP sa kasong parricide ang isang padre de pamilya makaraan niyang hampasin ng feeding bottle at mapatay ang tatlong-buwang-gulang niyang anak sa Cotabato.


Namaga ang mukha at katawan ng sanggol dahil sa pangyayari. Naitakbo pa ito sa ospital pero hindi na naisalba ng mga doktor.


Ayon sa ulat, natutulog ang suspek, 20, nang umiyak ang sanggol nitong Biyernes ng gabi.


Tumayo naman ang ama para ipagtimpla ito ng gatas pero dahil patuloy sa pag-iyak ang anak ay nabuwisit ang una at pinaghahampas ng feeding bottle ang baby.


Sinabi naman ng suspek na pinagsisihan niya ang ginawa. Itinanggi niya na nakadroga o nakainom siya kaya niya napatay ang anak.


Ganoon pa man, isasailalim siya sa drug test, ayon sa pulisya.