Barko ng PH di iaatras sa WPS kahit patayin pa ako ng China –Duterte

NAGBANTA si Pangulong Duterte sa China na hindi niya iaatras ang mga sasakyang-pandagat ng Pilipinas na nasa West Philipine Sea kahit patayin pa umano siya ng mga Intsik.


Ito ang sinabi ni Duterte makaraang iulat sa kanya ni Defense Secretary Lorenzana na mayroong dalawang Philipine vessels na nagpapatrulya sa Kalayaan islands at Mischief Reef sa West Philipine Sea.


“I’d like to put notice sa China. May dalawang barko ako d’yan. I am not ready to withdraw. I do not want a quarrel, I do not want trouble. I respect your position, and you respect mine. But we will not go to war,” ayon sa Pangulo.


Dagdag niya, hindi iuurong ang mga barko ng Pilipinas kahit isang pulgada.


“Hindi talaga ako aatras. Patayin mo man ako kung patayin mo ako, dito ako. Dito magtatapos ang ating pagkakaibigan,” ani Duterte sa China.


Ginawa ni Duterte ang pahayag ilang araw matapos niyang sabihin na biro lamang ang pangako niya na magdye-jet ski siya papuntang Spratly Islands sa WPS para bawiin ang mga islang kinamkam ng China habang tinawag niya na tanga ang mga naniwala sa kanya.