LUSOT na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukalang batas na naglalayong ipagpaliban ang barangay at Sangguniang Kabataan (SK) election sa Disyembre 2022.
Sa ilalim ng House Bill 4673, gaganapin ang halalan sa Disyembre 2023
Sa sesyon nitong Martes, 264 kongresista ang pumabor sa panukala habang anim ang kumontra.
Nanindigan si House Deputy Minority Leader and ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na hindi makatwiran at walang dahilan para ipagpaliban ang halalan.
“Makailang beses siniguro sa atin ng Commission on Elections na handa silang ilunsad at itaguyod ang halalan, naririyan ang sapat na pondo, at walang anumang dahilan upang iurong ito. Hindi makatotohanan ang election fatigue,kuno, at iba pang nilutang na dahilan,” sabi ni Castro.
Nauna nang sinabi ng Commission on Elections na gagastos ng karagdagang P10.858 bilyon para sa pagpapaliban ng halalan.
“Pero heto ngayon at pipigilan ng Kongreso ang isang major na political exercise. Ikalawa, labag sa batas ang pananatili ng mga opisyal sa barangay at SK sa holdover capacity dahil ayon sa batas, kabilang ang jurisprudence na nilabas ng Korte Suprema, ang holdover capacity ay isang legislative appointment,” aniya.