TODO-DEPENSA ang Palasyo kay Pangulong Duterte sa mga bumabatikos dito dahil sa akmang panghihipo sa katulong na dinalahan siya ng cake noong kanyang kaarawan.
Sa briefing, sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na walang malisya sa ginawa ni Duterte dahil nagbibiro lamang ito.
Sa video na kumakalat sa social media, makikita ang Pangulo na hinihipan ang kandila sa ibabaw ng isang tasa ng kanin. Nang lumapit ang isang babae na may dalang maliit na cake ay tinangkang hawakan ni Duterte ang ibabang bahagi ng katawan nito kaya agad nitong iniwasan ang kamay ng Pangulo.
“Now, ‘yung sinasabing panghihipo– matagal na niyang kasambahay ‘yun. Alam mo naman talagang palabiro ang Presidente pero wala pong malisya ‘yun dahil nakaharap naman po si Ma’am Honeylet (Avanceña),” paliwanag ni Roque.
Kibit-balikat naman si Roque sa mga bumabatikos kay Duterte sa ginawa nitong “pagbibiro.”
“Wala pong control ang Presidente diyan lalo na doon sa dating nagpupula. Expected po yan. Pero kung sasabihin n’yo na tama ba o mali ang nangyari, ang konteksto po niyan, malapit po ang relasyon ng Presidente, nakikipagbiruan sa kanyang kaarawan, so wala pong masama dyan,” giit pa ng opisyal.
“Kung may magrereklamo, dapat ‘yung kasama niya sa bahay. ‘Yun lang po iyon,” dagdag ni Roque.