ISINULONG ni Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr. ang limang taong termino sa Presidente, Vice President at mga lokal na opisyal na nangangailangan ng pag-aamyenda sa 1987 Constitution.
Sinabi ni Gonzales na inihain niya muli ang Joint House Resolution Number 1 ngayong 19th Congress na naglalayong bigyan ng dalawang termino ang Presidente at Vice Presidente matapos hindi lumusot sa nakaraang 18th Congress.
“Ipinangako ko ipa-file ko ang House Resolution Number 1. Yun po yung pagpapalawig ng tatlong taon sa limang taon, magiging dalawang termino na lang. Halimbawa sa President sa anim na taon sa ilalim ng 1987 Constitution, gagawin nating limang taon pero with reelection. Ganyan din po sa bise presidente. Pangalawa, kung ano ang boto ng presidente yun din ang boto ng vice president,” sabi ni Gonzales.
Idinagdag ni Gonzales na magiging limang taon din ang termino ng mga kongresista at mga lokal na opisyal, bagamat hanggang dalawang termino lamang mula sa tatlong termino.
“Parang sa Amerika pero sa Amerika kasi four years with reelection. Dito naman from president, vice president, local executives, na yung three years gawin nating five years pero instead na three terms gawin nating dalawang termino lang po,” aniya.
“Napakaiksi ng tatlong taon talaga,” dagdag pa ni Gonzales.
Sa ilalim ng panukala ni Gonzales, mananatili sa anim na taon ang termino ng mga senador.
“Ang senators hindi ko pinakialaman. Bahala na po sila,” aniya.