MULING binakbakan ni ACT Teachers Rep. France Castro si Vice President Sara Duterte dahil sa diumano’y pagkupkop nito sa kontrobersyal at wanted na self-proclaimed “Son of God” na si Pastor Apollo Quiboloy.
Imbes anya na kumbinsihin na harapin ang mga pagdinig ng Kamara at Senado hinggil sa mga kinakaharap na akusasyon, ay tila kinukonsinti pa ito ni Duterte.
“Hindi ba alam ni Vice Presidente Duterte ang sandamukal na mga kaso ni Quiboloy dito at sa ibang bansa?” pahayag ni Castro sa isang kalatas.
Ayon pa kay Castro, hindi magandang ehemplo ang ipinakikita ni Duterte sa ginagawang pangungunsinti sa pastor.
“Masamang ehemplo ang ipinakikita ni Vice President Duterte dahil sa tingin natin ay coddler siya ni Quiboloy na isang akusadong rapist ng mga bata,” dagdag pa ng kongresista.
Una nang iginiit ng kampo ni Quiboloy na handa itong harapin ang anumang kasong isasampa sa kanya sa korte, ngunit hindi sa Kongreso na umano’y hinatulan na siya.
Samantala, nagpahayag naman si Duterte na ang akusasyon laban kay Quiboloy “were forms of violence and trial by publicity.”
“In the hearings conducted, it seems like Pastor Quiboloy has already been given a guilty verdict, even though these hearings are only based on the allegations of witnesses who conceal their identities, and the credibility cannot be proven,” pahayag ni Duterte.