Si Tita Ester, ang ‘Biriterang Makata’ ng Dubai

Si Ester at ang kanyang aklat. PHOTO COURTESY OF ESTER VARGAS-CASTILLO

Pang-MMK ang istorya ni Ester Vargas-Castillo, “Tita Ester” sa kanyang mga kaibigan. 

Walo silang magkakapatid. Nakatira sa tabing riles sa may Tondo. Full scholar sya sa Pamantasan ng Lungsod Maynila – ibig sabihin ay libre ang matrikula – ngunit huminto sa pag-aaral at nagtrabaho kasi namatay ang kanyang ama. Pumunta ng Dubai, namasukan bilang kasambahay.

Laban lang si Ester at kamakailan nga nitong buwan ay ginanap ang book launch ng kanyang koleksyon ng mga premyadong tula. Ang libro ay pinamagatang “Biriterang Makata” dahil nga ang may akda, si Ester, ay di lamang makata bagkus isa ring mang-aawit na may boses soprano.

Miyembro rin si Ester ng FilSoc Chorale, isang grupo ng mga Pilipinong mang-aawit ng Filipino Social Club dito sa Dubai.  

“Hindi ko inakalang mangyayari lahat ito,” sabi ni Ester sa akin sa isang panayam.


“Ang laman po ng aking aklat ay mga tulang nagwagi sa iba’t ibang pahina ng panulaan na sinalihan ko. Mga makabuluhang akda na may mga importanteng mensaheng nakapaloob na magbibigay kalakasan at inspirasyon sa mambabasa,” aniya pa.

Apatnapu’t pito sa mga tula ay sa wikang Ingles; 89 naman ay sa Tagalog – para sa kabuuang 136 na mga kumikinang na tula.

“Minsan kinakalawang na ang utak ko sa kaka-change ng nappy ng baby. Kaya poetry at pagsusulat ang nagpapabalik sa aking sanity,” ani Ester.

Mahirap ang kinagisnang buhay ni Ester. Isinilang sya sa Cagay-an, Lepanto, Alegria in Cebu, lumaki sa Tondo. 

“Lumaki po ako sa hirap sa riles ng tren sa Tondo. Isang kahig, isang tuka. Subali’t hindi ito naging hadlang upang mangarap at magsumikap sa buhay. Iginapang kaming walong magkakapatid upang makapag-aral,” aniya.

Malaki ang panghihinayang ni Ester na hindi nya natapos ang kolehiyo – computer science ang kanyang kurso.

Ngunit hindi ito naging hadlang. Nagtrabaho sya sa Pilipinas bilang accounting clerk bago tumulak papuntang Dubai. Sumubok syang bumalik sa eskwela pero hindi na rin tinapos ang kahit isang semester “kasi mas mukha pa akong propesor (sa pustura) kaysa sa propesor ko,” aniya, tumatawa.

Sa abilidad ay talo nya ang mga kasama sa trabaho na college graduates. “Diploma na lang talaga ang kulang,” ani Ester.

Hindi ipinaalam ni Ester sa mundo na hindi sya tapos ng pag-aaral.


“Inilihim ko talaga na hindi ako nakapagtapos. Pero ngayon na-realize ko na kailangan kong i-inspire yung mga katulad kong kasambahay na kahit undergrad ka pwede namang maging successful basta magsikap lang. Hindi hadlang yung wala kang diploma basta masigasig at may pangarap,” aniya pa.

Huwaran, inspirasyon, ika nga.

Ang “Biriterang Makata” ay inilathala sa tulong na rin ng mga kapwa Overseas Filipino Workers sa McKinley Publishing Hub, Don Luman-ag, CEO (Phils.); Dex Amoroso ( UK) COO; and Eureka Bianzon Robey (US), na sumusuporta sa mga budding poets, ika nga. 

Makikita sa Amazon ang aklat. May Facebook page din si Ester @Biriterang Makata Diva Poet.