Susan Roces inihimlay katabi ni Da King

NAIHATID na sa kanyang huling hantungan ang tinaguriang “Queen of Philippine Movies” na si Susan Roces ngayong araw.

Mula sa Heritage Park sa Taguig ay dinala ang mga labi ng beteranang aktres sa Manila North Cemetery kung saan nakahimlay rin ang labi ng asawang si Fernando Poe Jr.

Sinaksihan ng mga kapamilya, na pinangungunahan ng anak ni Roces na si Sen. Grace Poe, at mga kaibigan at kamag-anak ang libing.

Napag-alaman na para bigyang-daan ang libing ni Roces ay ipinagpaliban nang ilang oras ang iba pang nakatakdang libing sa nasabing sementeryo.

Nasa 200 pulis naman ang itinalaga sa loob at labas ng sementeryo para panatilihin ang seguridad at ayusin ang trapiko sa lugar.