INIHAYAG ni Saudi Crown Prince Mohammed bin Salman na sasagutin ng kanyang gobyerno ang hindi nabayarang sweldo ng tinatayang 10,000 overseas Filipinos workers (OFWs) na nagtrabaho sa mga construction company sa Saudi na nagdeklara ng bankruptcy mula 2015 hanggang 2016.
Ikinatuwa naman ito ni Pangulong Bongbong Marcos sa pagsasabing pinakamagandang regalo ito para sa mga OFWs ngayong kapaskuhan.
“Napakagandang balita talaga. At pinaghandaan talaga tayo ni Crown Prince. Kaya’t sabi niya ‘yung desisyon na ‘yan ay nangyari lamang noong nakaraang ilang araw at dahil nga magkikita kami at sabi niya ito ‘yung regalo ko para sa inyo,” sabi ni Marcos matapos ang kanyang bilateral meeting sa Saudi Crown Prince sa sideline ng Asia Pacific Economic Conference (APEC) sa Bangkok, Thailand.
Idinagdag ni Marcos na tiniyak din ng Labor minister ng Saudi Arabia na hindi na ito mangyayari sa mga Pinoy na nagtatrabaho sa Saudi.
“Sila mismo magbibigay ng insurance kung sakali man mangyari ulit ‘yan na malugi ‘yung korporasyon na tinatrabahuhan nila at hindi nila makuha ang kanilang sahod, ‘yung insurance ang magbabayad. So marami rin talagang tinutulong sa atin ang pamahalaan ng Kingdom of Saudi Arabia,” dagdag ni Marcos.
Ayon naman kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan Ople na kabilang sa mga kumpanya na nabangkarote noong 2015 at 2016 ay hindi nakapagbayad sa mga Pinoy worker ay ang Saudi OGer, MMG, at Bin Laden group.
“The Crown Prince, His Royal Highness, announced and said that this was his gift – he really prepared for this and this was an agreement reached by the Saudi government just a few days ago. So they have set aside two billion Riyals to help our displaced workers. So this is really good news and we thank po Saudi Arabia,” sabi ni Ople.