NAKIRAMAY si Migrant Workers Secretary Toots Ople sa pamilya ng Overseas Filipino Worker (OFW) na pinatay sa kanilang tahanan sa Kuwait, kasabay ng pangakong hustisya para sa biktima.
Idinagdag ni Ople nakausap na niya ang pamilya ng biktima na si Jullebee Ranara, 35, makaraang iulat ng Kuwait media ang pagkakapaslang sa biktima Linggo ng gabi.
Kasabay nito, tiniyak ni Ople na ipagkakaloob ng ahensiya ang lahat ng kinakailangang suporta para sa pamilya ni Ranara.
Aniya, hinihintay pa niya ang opisyal na ulat kaugnay ng insidente mula sa Kuwaiti authorities.
Base sa ulat, natagpuan ang sunog na mga labi ni Ranara sa disyerto Linggo ng gabi.
Ayon pa kay Ople, kinokondena ng kagawaran ang karumal-dumal na krimen at tiniyak na nakikipag-ugnayan na ang pamahalaan para sa agarang ikalulutas ng kaso.