BILANG pagkondena sa patuloy na pananakop sa Ukraine, pansamantalang isinara ng mga malalaking kompanya mula America gaya ng McDonald’s, PepsiCo, Coca-Cola, at Starbucks ang kanilang mga tindahan sa Russia.
Ang apat na kompanya ay may mga major operations sa Russia.
Ayon sa McDonald’s, susuwelduhan nito ang 62,000 empleyado sa 847 na restaurants na nasa Russia.
Ilang daan namang coffee shop ng Starbucks Corporation ang pansamantalang isinara na rin. Samantala ang PepsiCo ay nagsuspinde ng kanilang advertising sa Russia at hindi na rin muna magbebenta ng kanilang mga produktong inumin. Gayunman itutuloy nito ang pagbebenta ng gatas at pagkain ng sanggol. Sinabi naman ng Coca Cola na sususpindihin na nito ang operasyon sa nasabing bansa.
Nasa ikatlong linggo na ang panggegera ng Russia sa Ukraine.