SUMAKABILANG-BUHAY nitong Linggo ang 76-anyos na lalaki sa India na mayroong 39 asawa, 94 anak at 33 apo sa edad na 76, ayon sa ulat.
Namatay si Ziona Chana, ang lider ng sektang “Chana Pawl,” ng Baktawang sa bayan ng Mizoram, dahil sa mga komplikasyon dulot ng diabetes at high blood pressure.
Hawak ng pamilya ni Chana ang world record para sa “largest existing family” o “biggest family.”
Bawal sa batas ng India ang polygamy pero pinapayagan ito sa ilang tribo, kabilang ang sekta ni Chana.
Itinatag ang “Chana Pawl” ng ama ni Chana noong 1942. Mayroon itong humigit-kumulang na 2,000 miyembro na pawang nakatira sa Bakwatang.
Pinakasalan ni Chana ang unang asawa noong 1959 noong siya ay 17-anyos.
Ayon sa ulat, nagpakasal siya sa 10 babae sa loob lamang ng isang taon. Huli siyang nagpakasal noong 2004 sa isang 25-anyos.