Lalaki Pumatay ng 3 saka nag-Suicide sa Birthday Party ng Anak

SA trahedya nauwi ang birthday party ng isang bata makaraang paslangin ng kanyang ama ang asawa at dalawang kapatid nito sa gitna ng kasiyahan noong Lunes.

Ayon sa ulat, matapos ang masaker ay lumabas ng bahay ang suspek na si Joseph McCrimon, naglakad patungo sa sidewalk at doon nagbaril sa sarili.

Ang birthday celebrant, 9, ay nakaligtas naman makaraang magtago sa aparador, sabi ng pulisya. Nang tumigil ang putukan ay lumabas sa pinagtataguan ang bata at tumawag sa mga otoridad.

Sinabi niyang dumating ang ama niya sa party sa kanilang bahay sa Brooklyn, New York at pinagpapatay ang kanyang ina at mga tiyahin.

Natagpuan ng mga rumespondeng pulis ang mga biktimang sina Rasheeda Barzey, 45, ina ng bata, at mga half-sister nitong sina Chloe at Solei Spears na wala nang buhay.

Nakita naman nila sa labas ang bangkay ng suspek na hawak pa ang baril na ginamit sa krimen.

Inaalam pa ang motibo sa pagpatay pero sinabi ng mga kapitbahay na madalas mag-away sina McCrimon at Barzey.