HALOS himatayin ang isang ginang mula sa Jiangsu, China nang madiskubre sa kasal ng anak na lalaki na ang mapapangasawa ng huli ay ang kanyang nawawalang anak.
Ayon sa ulat, dumalo sa kasal ng anak ang ginang noong Marso 31 sa Suzhou, Jiangsu.
Doon ay napansin niya ang balat o birthmark sa kamay ng kanyang mamanugangin na kaparehas sa kanyang nawawalang anak.
Di mapakali, nilapitan niya ang mga magulang ng babae at tinanong kung inampon ba nila ito 20 taon na ang nakararaan.
Nagulat ang pamilya ng bride dahil sikreto umano iyon ng pamilya.
Kalaunan ay ikinuwento nila na may natagpuan silang sanggol sa tabi ng kalsada maraming taon na ang nakararaan at pinalaki nila itong parang tunay na anak.
Nang marinig ang kwento ay napahagulgol ang bride. Aniya, ang pagtatagpo nila ng kanyang tunay na ina ay mas masaya pa kesa sa kanyang kasal.
Eto ang twist.
Dahil sa nalaman ay sinabi ng bride na nag-aatubili na siyang pakasal sa kanyang kapatid. Pero sinabi ng ina niya na dapat ituloy ang kasal dahil hindi sila tunay na magkapatid ng groom.
Ayon sa ginang, ampon lang din niya ang lalaki.
Sinabi niya na nagdesisyon siyang umampon dahil nawalan na siya ng pag-asa na makikita pa ang nawawalang anak.