Bibingkahan sa Dubai

ILANG linggo na lamang at “ber months” na!

Lalamig na ang simoy ng hangin at may bonus pa – ang mabango’t nakakapanglalaway na amoy ng bibingka.

Dito sa Dubai ay amoy bibingka na rin kami – at may dagdag pa: ang walang kamatayang paratha, flatbread na sikat sa mga ibang lahi at masarap lalo na’t nilagyan ng itlog at keso.

Kamaikailan ay binuksan ng isang grupo ng mga kababayan nating Pinay ang “Bibingka and Paratha Cafeteria” sa may bandang Satwa, isang working class enclave ng mga Pinoy, Pakistani at mga Indian nationals.

Ito ay sa pangunguna ni Daisy G. Calabia, tubong Mariveles, Bataan at isang industrial engineer – opo, industrial engineer na dati ring restaurant manager dito.

“Originally,” sabi ni Calabia, “the plan was (to name it) ‘Bibingka House,’ since it’s the main product.”

“Pero after checking the area, (we learned that) ang daming ibang lahi sa paligid. So, naisip namin na palitan yung name para ma-accomodate din sila.

“Tayong mga Pinoy, bukod sa talagang hinahanap natin ang bibingka, eh mahilig din naman sa paratha. Then yung ibang lahi naman, kumakain din pala sila ng mga kakanin natin. And nakaka-proud ‘pag natitikman nila yung bibingka natin, sinasabi nila na special cake daw po yun,” dagdag pa nya.

Kaya nga naman patok sa takilya ang cafeteria. Malakas din ang home delivery orders – uso kasi dito yan sa Dubai: tawag ka lang sa tindahan o shawarmahan at ilang minuto lang na ay nasa iyong pintuan na.

Kasama ni Calabia sa grupo bilang business partners sina Evangeline (Asiyah) M. Monjardin, architect; at Rubelin F. Zamora, company human resource officer.

Si Calabia, na dumating sa Dubai may 12 taon nang nakararaan, ay umani na ng mga papuri at awards dahil sa kanyang aktibong pakikilahok sa mga pagkilos sa Filipino community.

Ang “Bibingka and Paratha Cafeteria” ay nakapaloob sa League of Food and Beverage Entrepreneurs sa ilalim Philippine Business Council – Dubai and the Northern Emirates (LFBE-PBC DNE), isang non-government na grupo.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]