Bakit nga ba in-love mga batang Dubai sa Expo 2020?

HINDI pa man nagbubukas ang pinakahihintay na Expo 2020 Dubai noong October 1 ng nagdaang taon ay plastado na sa kalendaryo ng mga Pinoy dito sa United Arab Emirates (UAE) ang mamasyal at masilip ang tinaguriang “world’s greatest show.”

Tunay ngang in-love ang mga Pinoy sa Expo 2020. Bakit, ika mo? Makasaysayan. Kahanga-hanga. Global ang saklaw. Higit sa lahat, sikat!

Pinagdugtong-dugtong ko ang mga dahilan kung bakit kinagigiliwan ng mga Pinoy ang Expo 2020 Dubai at narito ang top 6:

1. Lea Salonga, Black Eyed Peas, at iba pang tanyag na Pinoy entertainers

Dinagsa ng mga Pinoy ang concert ground ng Expo nang magtanghal nitong nagdaang Kapaskuhan ang pamosong multi-awarded performer na si Lea Salonga.

Muli ring bumuhos ang mga Pinoy nang tumugtog naman nito lamang January 25 ang six-time Grammy Award-winning na grupong Black Eyed Peas sa pangunguna ni Allan Pineda Lindo, ang Fil-Am rapper na mas tanyag sa kanyang stage name na apl.de.ap.

Liban sa kanila ay maraming iba pang tanyag na Pilipinong mang-aawit ang tumuntong sa entablado ng Expo 2020 upang magtanghal – Elha Nympha, Angeline Quinto, Sponge Cola, Juan Karlos Labajo at iba pa.

2. Ang Philippine Pavilion

Umabot na sa kalahating milyong mga Pilipino at ibang lahi ang nakapamasyal na sa loob ng ating pabilyon sa Expo 2020 na pinangalanang “Bangkota” isang katutubong salita na ang ibig sabihin ay “coral reef.”

Ika nga ni Ambassador Hjayceelyn M. Quintana: “The Philippines, as a country with one of the largest foreign nationals groups in the UAE, has committed to show a strong presence in Expo 2020 through the remarkable story unveiled in the stunning Philippine Pavilion.”

3. Selfie dito. Selfie dun.

Hindi rin magpapahuli ang mga Pinoy sa napakaraming Instagrammable na pwesto sa Expo kasama na ang Al Wasl Dome – ang state-of-the-art na plaza na syang sentro at sya ring pinagdarausan ng mga malakihang events gaya ng pagdalaw ng mga heads of states.

4. ‘Expo Magic’

Sabi nga ay para kang nasa “wonderland” kapag nasa Expo ka. Ika nga ni Rex Bacarra, Ph.D., Filipino faculty member sa Curtin University Dubai na sya ring Digital Faculty Consultant sa McGraw-Hill: “The Expo is as magical as it is staggering.”

Sabi pa niya: “Each of the 192 countries is an exhilarating adventure. I was mesmerized by stories of rich histories in the UAE, Egypt, Monaco, and Philippine pavilions to name a few, danced with the vibes of the Jamaican and Cuban pavilions, had fun stepping into the augmented realities of France and South Korea pavilions and every story told and experienced as I excitedly frolic from one country to another. Surprised every time by what each has to offer.”

Si “Doc Rex,” kung sya ay tawagin ng mga kapwa Pinoy dito, ay isa sa mga ginagalang na lider, di lamang sa Filipino community, kundi pati na rin sa hanay ng mga local at iba pang expats.

5. Holiday destination

Tuwing December at January, kung kailan maganda ang panahon, ay dinadala ng mga Pinoy ang kanilang mga mahal sa buhay sa Pilipinas dito upang makapamasyal – at ang Expo 2020 nga ang isa sa mga tampok na destinasyon.

6. Ang pagkain!

Di naman maikakaila na tayong mga Pinoy ay mahilig kumain. Saan pa ba mas masarap kumain kundi sa Expo 2020. Mantakin mong 192 na bansa ang naririto at lahat halos ng mga pabilyon nyan ay may restoran – ibig sabihin iba’t ibang putahe mula sa lahat ng sulok ng mundo ay narito. Kaya ayun – mangan tayon!


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]