Ang tanong: Darating ba sa Expo 2020 ang ating pangulo?

DUBAI, UNITED ARAB EMIRATES — Umabot na sa 18 mga pangulo ng iba’t ibang bansa, kasama pa ang hari’t reyna ng Netherlands, ang nakabisita sa ginaganap ng Expo 2020 Dubai mula nang magbukas ito noong Oktubre 1.

Ang pagdalaw ay ginaganap bilang bahagi ng “National Day” ng bansa na kung saan kasama ng pangulo ang kanyang delegasyon at nagbibigay-pugay sa mga opisyal at ministro ng UAE. Dinadalaw rin nila ang kani-kanilang pabilyon.

Maraming pakay ang pagdalaw: Una, ang pagpapatibay ng relasyon sa pagitan ng bansa at ng UAE; at, pangalawa, ang pagtatatag ng mga kasunduang pang-ekonomiya.

Kumbaga, at batay na rin sa mga kaganapan dito sa Expo, ay ilinalako ang kanilang bansa sa mga investors, di lamang sa mga malalaking negosyante dito sa UAE, kundi pati na rin sa iba pang mga bansang kalahok sa pandaigdigang pagtatanghal na ito.

At ito ay ginagawa sa pamamagitan ng mga business forums sa exhibition centre ng Expo na dinadaluhan ng mga matataas na opisyal sa gobyerno at pribadong sector.

Mayroon tayong pabilyon dito sa Expo. Ang laki at di nawawalan ng tao – sa dami ba naman ng mga Pilipino dito sa UAE: Tinatayang nasa isang milyon nang bago magka-pandemya.

Isa pang dahilan ay ang ugali nating bayanihan. Ika nga, “Atin ‘to. Suportahan natin! Huwag pabayaang langawin.”

Sa Feb. 11, 2022 ang Expo 2020 National Day ng Pilipinas. At paparami nang paparami ang mga nagtatanong: Dadalo ba ang ating pangulo? Magpaparamdam kaya siya?

Ilang ulit nang naudlot ang nai-schedule na pagdalaw ni Pangulong Duterte sa UAE.
Matatandaang noong Abril ng 2017 ay tatlong state visits ang isinagawa ng pangulo: Sa Riyadh, Saudi Arabia, April 10-12 na kung saan ay nagbigay-pugay si Pangulong Duterte sa hari ng bansa na si His Majesty King Salman bin Abdulaziz al Saud.

Pagkatapos nito ay tumulak naman siya patungong Bahrain (April 12-14) para magbigay-pugay din sa haring si His Majesty King Hamad bin Isa Al Khalifa.

Ang ikatlong biyahe ay naganap, April 14-16, sa Doha, Qatar para sa isa ring high-level na pagbisita sa pinuno ng bansa na si Emir Sheikh Tamim bin Hamad Al-Thani.

Ngunit bago pa man naganap ang mga state visits na ito ay malakas na ang ugong na kasama ang UAE sa mga bansang dadalawin ng ating pangulo. Asang-asa pa naman ang mga kababayan natin dito.

Matatandaang run-away landslide winner ang Pangulong Duterte sa UAE noong 2016 presidential election. Ayon na rin sa embahada natin dito, humakot sya ng 51,879 na mga boto – 83.5% ng kabuuang 62,103.

Dalawang ulit ko nang inusisa si ma’am Charmaine Mignon S. Yalong, Commercial Attaché ng Pilipinas sa UAE, kung darating ba ang pangulo. Ito ang kanyang sagot: “We’re still awaiting confirmation from Malacanang if the President will come.”

Wala pa ring kumpirmasyon kung darating nga. May mga nagsasabi sa akin na maaga pa para mag-pinal ng schedule. May mga nagsasabi rin namang maaring abala sa eleksyon.
Anu’t ano pa man – nananatiling nakalatag ang tanong: darating ba o hindi?


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]