TINIYAK ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Leo Cacdac ang contingency plans ng gobyerno para sa 30,000 overseas Filipino workers (OFWs) sa Israel.
Ani Cacdac, patuloy ang koordinasyon sa pagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA), Philippine Embassy sa Israel at Department of Labor and Employment (DOLE) para masiguro na makararating ang tulong sa mga apektadong Pinoy sa naturang bansa.
“Sa tala natin, aabot sa 30,000 Pinoy ang nasa Israel at 97 percent hanggang 98 percent ang mga caregiver. Ipinag-utos na rin ni (Labor) Secretary (Silvestre) Bello, na manmanan ang sitwasyon. Kahapon, nakausap namin ang welfare officer natin doon. Sa awa ng Diyos, wala namang nasaktan o nasawi na Filipino,” sabi ni Cacdac.
Idinagdag ng opisyal na sa kasalukuyan ay hindi pa opsyon ang repatriation ng mga Pinoy dahil sarado pa ang international airport ng Israel.
“In-country evacuation muna at least sa tatlong apektadong areas. Meron nang inihanay na mga contingency measures such as evacuation to safer bomb shelters kasi ang Israel handang-handa sila, alam naman maraming mga bomb shelters diyan,” ayon pa kay Cacdac.–WC