KINUMPIRMA ng Department of Migrant Workers (DMW) na tatlong Pinoy ang nasugatan sa magnitude 7.4 na lindol na yumanig sa Taiwan nitong Miyerkules ng umaga.
Hindi naman pinangalanan ni DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac ang mga nasugatang overseas Filipino workers.
Aniya, isa ay nabagsakan ng kisame, ang isa pa ay nasugatan sa kamay habang lumilikas at ang huli ay nawalan ng malay sa gitna ng lindol.
Tiniyak naman ni Cacdac na ang tatlo ay nasa maayos na kalagayan na.
“All of them are okay, minor ang kanilang natamong injuries,” aniya sa isang panayam.
Sinabi niya na dalawa sa mga biktima ay nakalabas na ng ospital habang nananatili pa sa pagamutan ang hinimatay bilang precautionary medical measure.
Idinagdag ng opisyal na makatatanggap ng tulong-pinansyal mula sa pamahalaan ang mga nasugatang OFWs.
Nakikipag-ugnayan na ang DMW sa Manila Economic and Cultural Office (MECO) sa Taiwan para sa distribusyon ng tulong, sabi pa ni Cacdac.
Sa kasalukuyan ay mayroong mahigit sa 159,000 Pinoy ang nagtatrabaho sa Taiwan bilang factory workers at caregivers.