KUMONTI ang bilang ng mga Pilipino na naniniwalang importante sa kanilang buhay ang relihiyon, ayon Social Weather Stations (SWS).
Base sa survey na isinagawa mula Nobyembre 21-25, 2020 ay bumaba sa 73 porsyento ang nagsabing “very important” sa kanila ang relihiyon kumpara sa 83 porsyento noong Disyembre 2019.
“The national Social Weather Survey of November 21-25, 2020, found 73% of adult Filipinos saying religion is very important in their lives, 9% somewhat important, 3% not very important, and 15% not at all important,” sabi ng SWS sa ulat na inilabas nito kahapon.
Nabawasan din ang bilang ng nga Pinoy na nagsisimba, dagdag ng SWS. Mula sa 66 porsyento noong 1991, ngayon ay 46 porsyento na lang ang nagsabi na nagsisimba sila tuwing linggo. Nasa 34 porsyento naman ang minsan sa isang buwan na lang nagsisimba habang 27 porsyento ang paminsan-minsan na lang dumadaan ng simbahan.
Karamihan ng nagsabi na nabawasan ang importansya ng relihiyon sa kanilang buhay ay mga Katoliko (71 porsyento mula 84 porsyento) at iba pang Kristiyano (71 porsyento mula 78 porsyento). Dumami naman sa mga miyembro ng Iglesia ni Kristo ang bilib pa rin sa relihiyon–88 porsyento mula 69 porsyento. Halos pareho naman ang bilang ng mga Muslim na naniniwalang mahalaga pa rin ang relihiyon–93 porsyento mula sa 94 porsyento.
Ayon sa SWS, ginawa ang pinakabagong survey sa gitna ng pandemya kung saan tinanong ang 1,500 respondents.