Eleazar: Walang korupsyon sa PNP

IPINAGDIINAN ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Guillermo Eleazar na walang anomalya sa pagbili ng body cam ng ahensya hindi gaya ng pinalalabas ni Sen. Manny Pacquiao na talamak ang katiwalian sa kanyang tanggapan.


Ayon kay Eleazar, kasalukuyang nakikipag-usap ang PNP sa opisina ni Pacquiao ukol sa naging akusasyon ng senador.


“Ganoon pa man, I assure our kababayan na walang nangyaring nakawan ng pondo sa transaksyong ito,” aniya.


“Fully-accounted ang perang inilaan ng Kongreso sa pagbili nito. Sa katunayan ay nakatipid pa nga ang PNP ng mahigit P45 milyon sa transaksyong ito,” dagdag niya.


Ang natipid na pondo, sabi ni Eleazar, ay idinagdag sa mahigit P19 milyon na natipid naman sa rehabilitasyon ng PNP Command Center para makabili ng mga high-definition CCTV.


“The CCTV Rapid Deployment System will be used in counter-terrorism operations in the country. It is composed of 10 deployable CCTVs with Artificial Intelligence, video management system, 10 CCTV mobile trailers and 10 generators. Each camera of the CCTV Rapid Deployment System can be loaded with 200 pictures of wanted criminals and terrorists,” dagdag ng opisyal.


Inaasahan nilang darating ang mga CCTV ngayong buwan. –A. Mae Rodriguez