DAHIL sa patuloy na dagok na dala ng pandemya kasabay na rin ng walang humpay na pagtaas ng mga bilihin, tanging 13th month pay at Christmas bonus na lang ang inaasahan ng maraming mga manggagawa ngayong nalalapit na Pasko.
Ayon sa grupong Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines, wala nang iba pang matatakbuhan ang mga manggagawa lalo’t kakaanunsyo lamang ng bigtime price increase sa mga produktong petrolyo kabilang na ang cooking gas.
Ngayong linggo, may P1.45 pagtaas sa kada litro ng gasolina habang P2.05 naman sa kada litro ng diesel at kerosene. Samantala tataas ng P80.85 hanggang P82.40 ang kada 11-kilo na tangke ng liquefied petroleum gas na ipatutupad sa Oktubre 1hanggang 8.
Dagdag pasanin na naman anya ito sa mga arawang manggagawa na hindi na rin makahilagpos dahil sa patuloy na epekto ng COVID-19 pandemic.
“With the eroding purchasing power of stagnant wages and in view of series of increases in prices of food and costs of services last month and this month, workers seriously look to the 13th month pay payout and depend on the Christmas bonus payday as a lifeline in coping with the rising cost of living,” ayon kay Alan Tanjusay, spokesperson ng ALU-TUCP.
“Many workers, in fact, have already loaned and borrowed in advance the amount of their end of the year 13th month pay to cover the present rising family expenses and are looking forward to its payout beginning on December 15th,” dagdag pa ni Tanjusay.