NIRATRAT ni Ogie Diaz ang mga netizens na pinintasan ang mga tao na pumila sa launch ng iPhone 14 nitong Huwebes ng gabi.
Sa Facebook, pinayuhan ni Ogie ang mga bashers na manahimik na lang.
“Mga tao nga naman. Hayaan nyo kaya sila. Pera nila yon inutang man nila yon o tiniis nilang wag kumain para makabili lang ng iphone 14,” aniya.
“Kaligayahan nila yan. Yung fact na nauna silang nagkaroon. Yung nakisali sila sa pilahan — kumbaga, history yung pagpila at pagbili at pagkakaroon ng bagong modelo ng iphone para sa kanila,” dagdag niya.
Ipinunto rin niya na wala namang pakialam ang mga bashers kung mahal na cellphone ang gustong bilhin ng mga tao.
‘Hangga’t di naman NINAKAW ang ipinambili nila diyan, ano naman pakialam nyo? Problema nila yon kung maputulan man sila ng kuryente o di makabayad ng inuupahang bahay o tiisin nila ang sikmura nila,” hirit niya.
Naniniwala naman si Ogie na naiinggit lang ang mga namimintas.
“Napaghahalata lang tuloy yung inggit porke di makabili. Yung galit dahil walang kapasidad bumili. Yung pagkabuwisit dahil di pa dumarating ang inaasahang pera o meron pang dapat unahing bayaran kesa bumili ng bagong modelo ng celfone,” punto niya.
May tanong pa si Ogie sa publiko: “Alin ba ang mas gusto nyong makita? Yung nakapila para makabili ng iphone 14 o yung nakapila dahil umaasa sa ayuda ng gobyerno?”