Miss Earth contestants sa trans: Dun kayo sa sarili n’yong pageant


NANINIWALA ang dalawang contestant ng Miss Philippines Earth na hindi dapat sumali sa mga beauty contests na para sa cis gender women ang mga trans women.


Sa virtual press conference para nasabing pageant, sinabi ng mga kandidata mula Caloocan City at El Nido na mayroon namang sariling timpalak ang mga trans women kaya hindi na sila kailangan pang makipagpaligasahan pa sa mga cis women.


Dagdag nila, may kanya-kanyang ganda ang mga cis at trans women para maglaban sa iisang entablado.


Kaugnay nito, kinontra rin ni 2018 winner Miss Q&A ng “It’s Showtime” na si Juliana Parizcova Segovia ang pagsali ng mga trans sa Binibining Pilipinas at iba pang timpalak.


Ani Juliana, ipaubaya na lamang ang mga beauty pageants sa mga tunay na babae (cis women) dahil may mga contest naman para sa mga bading at trans na gaya niya.


“Kung transgender kang contestant sa Miss Gay Barangay at may sasali na tunay na babae, di ba magrereklamo ka?” paliwanag niya.


“Meron naman kaming sariling laban like Miss International Queen in Thailand na puwedeng paingayin at bigyan ng focus by holding a local edition,” dagdag ng komedyante. — A. Mae Rodrigue