KARAMIHAN sa mga Pinoy ay may kapamilya na nasa abroad.
Dekada 70 nang magsimulang magbukas ang oportunidad sa mga Pilipino para makapagtrabaho sa abroad, at hanggang ngayon ay marami pa ring mga kababayan natin ang nakikipagsapalaran sa ibang bansa para sa mas magandang kita at kabuhayan.
Kaya nga, patuloy ang mga job opportunities na makikita hindi lamang sa mga pahayagan kundi maging sa social media rin.
Kung ikaw ay isa sa napakaraming Pilipino na nais mag-abroad para magkatrabaho, narito ang limang dokumento na dapat mong ihanda bago mag-aplay:
1. Valid Philippine Passport
Maglaan ng budget sa pagproseso nito, mga P900 to P1,200, isama na rin ang shipping or courier fee. Kung first time mong kukuha ng pasaporte, puntahan ang consular services website ng Department of Foreign Affairs para malaman ang mga papeles na ihahanda para rito.
(Tip) Huwag hayaang mag-expire ang iyong passport bago mag-aplay ng renewal. Kung isang taon na lang ang validity, maiging mag-renew na agad.
2. School credentials
Ang mga ito ay ang diploma, training certificates, transcript of records (if college graduate) and Form 137 (high school).
Mainam na pag may panahon, iproseso na ang mga ito at itago. Kung wala ka nang kopya, mag-request sa eskwelahan kung saan ka nagtapos. Kung sarado na or “no longer operating” ang school or university, dumiretso ka sa Department of Education o DepEd (high school) at Commission on Higher Education or CHEd para humingi ng certification or proof na ikaw ay nagtapos sa nagsarang eskwela, kolehiyo o unibersidad.
Halos lahat ng job openings sa abroad ay high school graduate ang minimum requirement.
Kung hindi ka nakatapos sa pag-aaral, open ang DepEd para sa “Alternative Learning System” or ALS certification, na ang equivalent ay high school diploma.
3. Employment Certificates
Tiyakin na sa bawat kumpanya kung saan ka nagtrabaho ay maayos kang umalis, kaya humingi ng employment certificate. Kaya nga, “do not burn bridges” with your current or previous employers, kasi pag nag-submit ka ng employment certificates sa inaaplayang trabaho sa abroad, bine-verify iyan kung legitimate at ano ang naging performance mo noong ikaw ay nagtratrabaho sa kumpanya.
Bilang suporta na legitimate kang nagtrabaho sa kumpanyang iyong sinaad sa iyong resume or CV ay ang “SSS Employment History” na makikita sa inyong online membership sa Social Security Systems or SSS (download ka na ng SSS Mobile App para me access ka online).
4. NBI Clearance o Foreign Police Clearance (kung nakapagtrabaho na sa abroad)
Laging sumunod sa batas, batas trapiko man ‘yan o city o municipal ordinances. Ang simpleng violation ay nakasisira sa iyong remark sa NBI gaya ng “No Criminal Record On File”. Kapag meron kang ganitong remark, ibig sabihin ay meron kang rekord ng kaso or violations pero abswelto ka na.
Hassle lang, hihingi ka pa sa NBI ng supporting documents para patunayan na abswelto ka na, lalo na kung ang pupuntahan mo ay Canada, Europa at Amerika.
Sa katunayan, maselan ang Canada sa mga record na traffic violations, child abandonment, subersibo sa bansa (rebelde) or pagnanakaw. Sa ibang bansa naman, siguraduhin mo na kumuha nito (pero gaya ng UAE, pwede ito i-process online) bago kayo umalis.
(Tip) Huwag na huwag kang mag-iiwan ng utang abroad, dahil pag ikaw ay humingi ng Foreign Police Clearance at inabandona mo ang pagbabayad, tiyak na hindi maganda ang markang makikita mo.
5. Resume and/or Curriculum Vitae
Iba ang labanan ng aplayan ng local at abroad. Sa abroad, ang labanan ay skills and experience na sakto sa trabahong aaplayan mo. Mainam na naka-detalyeng mabuti ang iyong trabaho sa bawat kumpanyang iyong pinasukan; at kung ano ang contribution or improvements na ginawa mo roon.
Dito pa lang nakikita na ng potential recruiter at employer ang kakayahan mo at ang possibility na maging asset ka sa mga employer abroad.
Tanggalin ang ugali at kaisipang “matututunan ko naman ‘yan pagdating dun.” Kaya nga naghahanap ng may experience ang mga foreign employers abroad ay dahil hindi sila makakita niyan sa kanilang bansa.
Depende sa bansang pupuntahan, may mga partners ang ating gobyerno katulad ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na bansang willing mag-train ng mga walang experience para makapagtrabaho sa kanilang bansa gaya ng South Korea at Japan.
In a nutshell, ang “resume” ay maikling version ng inyong profile (normally 1-2 pages) at ang “CV” or Curriculum Vitae ay ang in-depth presentation ng iyong sarili, experience, achievements and training.
Siyempre, dapat maglagay ka ng iyong pormal na litrato o picture sa iyong resume or CV at dapat yung latest. Ibig sabihin photo mo na kinunan within six months habang ikaw ay nag-aaplay.
There you go! That’s your first step. Next time ang pag-uusapan natin ay kung papaano makahanap ng legit na agency o employer. Abangan ninyo next Friday.
(Editor‘s note: Ang author ay isang licensed POEA agent)