BILANG isang recruiter, marami na rin akong obserbasyon sa mga kaugalian ng mga aplikante habang sila ay nag-aaplay. Karamihan sa kanila ay baon-baon ang lakas ng loob, abilidad at pag-asa na sila ay makukuha dahil may mga nalalaman nga naman sila sa trabaho. Ngunit hindi sapat ang “alam mo lang” dapat may credentials at credibility ka.
Heto ang mga tips para ma-align ang expectations mo bilang aplikante, mapatrabaho man lokal o abroad:
- Basahin muna ang nakalagay na kwalipikasyon. Hindi pwedeng tingi-tingi lang ang pipiliin mo para i-assume mo na match ka sa trabahong gustong papasukan. Dapat lahat ng nakalista doon ay pasok ka.
- Kumpleto ba ang dokumento mo? Dapat tignan mo muna kung meron ka nito.
- Tawagan ang gustong aplayan na kumpanya or agency kung hindi ka pa rin makumbinsi na kwalipikado ka o hindi. Maigi ito kaysa magsayang ka ng pamasahe tapos mare-reject ka. Alamin mo na rin ang araw at oras kung kailan ka maaring pumunta para mag-aplay.
- Manamit nang maayos, hindi yung parang mag-ma-malling ka lang or nasa outing. Hindi excuse na susubok ka lang. This means hindi ka talaga prepared.
- Magpraktis mag-Ingles. Oo kababayan mo ang makikipag-usap at interview sa iyo ngunit tatandaan mo na kasama sa kanilang assessment ay ang communication skills. Hindi pupuwedeng “papatunayan ko na lang sa trabaho pagbigyan nyo na ko” style.
- Huwag maging demanding. Oo naman, karapatan mo rin na makausap ka dahil nag-abala ka nga sa sarili mo para puntahan ang kumpanya at mag-aplay. Ngunit tatandaan mo, hindi ang kumpanya o employer ang mag-aadjust sa iyo, kundi ikaw bilang isang aplikante na maging trabahador.
Sa tingin ko paulit-ulit pa rin mga tips ito, ngunit tatandaan nyo, makulit tayo, ngunit sa kulit natin, siguro naman may mapupulot kayong aral sa listahang ito. Until the next column!