Chelsea Manalo panalo ng Nat’l Costume award

GINAWARAN bilang Best in National Costume sa katatapos na Miss Universe pageant ang kandidata ng Pilipinas na si Chelsea Manalo.

Likha ng designer na si Manny Halasan, ang gown na tinawag na “Hiraya” ay ginamitan ng “Puni,” isang uri ng paghahabi na popular sa Bulacan.

Pinatingkad din ang damit ng mga pattern na hango sa Islamic art at imahe ng Our Lady of Antipolo o Our Lady of Good Voyage.

May kasama rin itong binurdahan na barko na sumisimbulo naman sa Galleon trade sa pagitan ng Pilipinas at Mexico, kung saan ginanap ang timpalak.

“Proudly representing their homeland! The National Costume is a way for contestants to share their country’s story, traditions, and values with the world,” ayon sa anunsyo ng Miss Universe Organization.

Bagamat umabot lang sa Top 30 sa pageant, kinoronahan naman si Chelsea bilang Miss Universe Asia.

Noong isang taon, napanalunan din ng kandidata ng Pilipinas na si Michelle Dee ang kaparehong award.