KARAMIHAN sa mga Pilipino ay kailangang magkaroon ng dalawa hanggang tatlong trabaho upang makaiwas sa kahirapan, ayon sa Commission on Population and Development (PopCom).
Sinabi ni Juan Antonio Perez III, PopCom executive director, na dapat isaalang-alang ng papasok na administrasyon ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. ang pagbibigay ng nararapat na sahod para masugpo ang tumataas na bilang ng kahirapan sa bansa.
“We are proposing to the PopCom board to study the possibility of having what we may call a living wage (which) addresses the cost of living,” ayon kay Perez.
Sinabi ni Perez na dapat tingnan ng gobyerno ang pagbibigay ng living wage sa halip na minimum wage, na hindi sapat para tugunan ang cost of living.
Itinakda ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang national average na P12,000 kada buwan bilang poverty threshold. Ang pinakamababang sahod sa karamihan ng mga rehiyon, ani Perez, ay mababa sa poverty threshold.
“If you have two kids, then both should have work. In places like the NCR (National Capital Region) you have to have two jobs. Outside of NCR, we saw in many regions – especially in the southern part of Luzon, Visayas and Mindanao – that you need to have around three jobs based on the minimum wage,” ayon kay Perez.
Ayon sa datos ng PSA, sinabi ni Perez na ang bilang ng mga Pilipinong nabubuhay sa ilalim ng poverty line ay tumaas sa 26 milyon noong 2021 busnod na rin ng pandemya. Ang bilang ay binubuo ng 23 porsyento ng populasyon ng bansa.