Pranic Healing para sa naka-recover sa COVID-19

MARAMI ang pinalad na maka-recover makaraang dapuan ng COVID-19.

Ang tanong: Tuluyan na nga ba silang nakaraos? O mayroon pa ring pangmatagalang epekto sa kanila ang COVID-19?

Di iilan ang nag-uulat ng kanilang dinaranas na matagalang epekto ng COVID-19. Ito’y makaraan ang 10 araw o maging siyam na buwan mula nang maimpeksyon at madapuan sila ng virus.

Ayon sa ulat ng US Centers for Disease Control and Prevention, kabilang sa mga matagalang sintomas na kanilang nararanasan – post-COVID-19 – ang pag-ubo, pananakit ng dibdib, kahirapang mag-focus at mag-concentrate, madaling pagkapagod, di pagkakatulog, pagkahilo, atbp. Sa ganang mga babae, iniulat ding matagalang epekto ng COVID-19 ang di regular na pagreregla sa ilang indibidwal.

Kasalukuyan pa ring pinag-aaralan ng mga dalubhasa ang iba’t ibang pangmatagalang epekto ng COVID-19. Kasama sa kanilang sinusuri ang matagalang epekto sa iba’t ibang bahagi ng katawan, gaya ng kidneys, puso, utak, at baga ng pagkakaroon ng COVID-19.

Sa yugtong ito, nangangailangan ang mga naka-recover mula sa COVID-19 ng patuloy na pangangalaga upang maigpawan nila ang iba’t ibang pangmatagalang epekto ng COVID-19.

Makakatulong sa kanila ang Pranic Healing, isang no-touch technique na pinaunlad at sininop ni Master Choa Kok Sui.

Isang chemical engineer at dalubhasa sa siyensya ng enerhiya si Master Choa. Nagsagawa siya ng maraming eksperimento sa larangan ng paghihilom ng iba’t ibang uri ng karamdaman gamit ang enerhiya.

Kinikilala ng mga siyentipiko na nagtataglay ng enerhiya ang tao at lahat ng bagay.

Ipinaliwanag ni Master Choa na batay sa principle of correspondence, nakakaapekto sa enerhiya ng tao ang anumang karamdamang dumadapo sa kanyang katawang pisikal. Batay rin sa principle of correspondence, nakakaapekto sa katawang pisikal ng tao ang kanyang enerhiya. Magiging malusog ang isang tao kung malinis at masigla ang kanyang enerhiya. Ngunit maaari siyang magkasakit kung marumi at may enerhiya ng sakit ang kanyang energy body.

Kabilaan.  

Sa pamamagitan ng dalawang teknik – cleansing at energizing – mapapasigla ng Pranic Healing ang energy body ng pasyente. Sa gayon, magkakaroon ito ng epekto sa kanyang nararamdaman sa kanyang katawan.

Subalit mariing itinatagubilin ni Master Choa na pangsuporta at pantulong lamang sa agham ng medisina ang Pranic Healing. Complementary aniya ang Pranic Healing, at di pamalit, sa medisina.

Kung may karamdaman ang isang pasyente, mariing ipinagbibilin ni Master Choa na nararapat siyang kumonsulta sa manggagamot at sabayan ding magpatulong sa Pranic Healer.

Sa katawang pisikal nakasentro ang ispesyalidad ng isang doktor. Sa energy body naman ng pasyente nakatutok ang Pranic Healer.

Sa pamamagitan ng kombinasyon ng dalawang anyong ito ng siyensya ng pagpapagaling, maaaring mapabilis ang paggaling ng pasyente.

Cleaning, energizing

Dalawang magkaugnay na teknik ang itinuro ni Master Choa upang maka-recover ang maysakit.

Una, ang cleansing technique. Sa pamamagitan nito, pinapawi ng Pranic Healer ang maruruming enerhiyang nagdudulot ng karamdaman mula sa energy body ng pasyente.

Kapag nalinis na ang energy body ng pasyente, saka magsasagawa ng energizing ang Pranic Healer. Sa energizing technique, kinakargahan ng Pranic Healer ng malinis, nakapagpapasigla, at nakapagpapalakas na enerhiya ang pasyente.

Sa kalikasan nagmumula ang enerhiya na ginagamit ng Pranic Healer. Kabilang dito ang enerhiya na nagmumula sa malinis na hangin, sa sikat ng araw, sa malinis na lupa, at sa mga mabubulas na puno.

Rebolusyonaryo ang Pranic Healing na ipinalaganap ni Master Choa sa iba’t ibang panig ng mundo.

Ngayong nagluluminaw na nagdudulot ng matagalang epekto ang COVID-19 sa mga survivors, malaki ang maiaambag ng Pranic Healing upang matulungan silang ganap na maka-recover mula sa mga sintomas nito.