MULING in-upgrade ang Nutribun, ang tinapay na ipinakain sa mga elementary pupils para labanan ang malnutrisyon noong 1970s hanggang 1980s.
Kamakailan ay inilunsad ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI) ang bagong variant ng Nutribun na gawa sa carrots.
Gaya ng Nutribun na nilahukan ng kalabasa noong isang taon, siksik din sa vitamins at nutrients ang bagong tinapay na kailangan ng mga bata.
Ayon sa FNRI, ang isang serving ng Nutribun ay mayroong 31 porsyento ng energy, 59 porsyento ng protina, 69 porsyento ng iron, at 90 porsyento ng Vitamin A. Base ito sa recommended energy at nutrient intake ng Philippine Dietary Reference Intake para sa mga batang may edad anim hanggang siyam na taong gulang.
Ang kaibahan lang nito sa squash-flavored Nutribun ay mas marami itong Vitamin A at beta-carotene content.
Ayon sa pag-aaral, nakatutulong ang Vitamin A para pampalinaw ng mata, pampatangkad at pampalakas ng resistensya.