KUMPARA sa 82 sa kaparehong panahon noong 2023, nasa 84 na ang namamatay sa rabies ngayong taon, ayon sa Department of Health (DOH).
Kaya pinaalalahan ni DOH Spokesperson Dr. Eric Tayag ang publiko na kaagad magtungo sa ospital sa oras na makagat o makalmot ng aso, pusa at iba pang hayop.
“Nasa 84 na ang namatay sa rabies this year, compared sa same period na 82,” ulat ng opisyal.
“Ang rabies ay gumagapang ng one inch per day hanggang sa makapunta sa utak. Basta malapit sa utak [ang kagat], mabilis gumapang yung virus,” ani Tayag.
“After months or years, magkakaroon kayo ng hydrophobia, natatakot kayo sa tubig. Nakakakilala kayo tapos mamaya hindi niyo na nakikilala. Minsan kailangan namin kayo itali kasi nagiging violent,” dagdag niya.
Pinayuhan ni Tayag ang publiko na sakaling makagat o makalmot ng mga hayop, agad na linisin ang sugat at pumunta sa ospital para maturukan anti-rabies vaccine.
“Hugasan agad ng tubig at sabon dahil ‘yung laway ng asong ulol, nandoon ‘yung rabies so pag hinugasan n’yo ‘yan, marami nang natanggal doon pero pumunta pa rin kayo sa rabies center,” sambit niya.
Umapela rin si Tayag sa mga may-ari ng alagang hayop na pabakunahan ang mga alaga kontra virus o itali ang mga ito para hindi makakagat.