HINDI ko lubos maunawaan ang hinaing ng mayorya tungkol sa sektor ng kalusugan. Sa kabila ng mga isyu ng anomalya sa Philhealth nitong mga nakaraang taon, at bagamat kasuklam-suklam, hindi ko napagtuunan ng pansin na siyasatin at iulat ang kalagayan ng sektor na ito.
Hanggang dalhin ako ng pagkakataon sa senaryo na kung saan ako mismo ang makakakita (o makararanas) sa kalunos-lunos na kalagayan ng mga pasyenteng humihingi ng saklolo sa pampublikong mga ospital.
Napaatras ako at kinilabutan.
Literal na nanginig sa takot.
Tumambad sa paningin ko ang pasilyo ng Quirino Memorial Medical Center (QMMC) kung saan umaapaw, nagsisiksihan ang mga pasyenteng naghihintay na magamot. Walang sapat na silid upang doon sila ilagak. Kulang na kulang ang mga medical personnel na puwedeng umalalay sa kanila. Mga mukhang tila hindi na sisikatan ng araw. Mga matang luhaan at pangkalahatang itsura na tila bibigay na.
Bakit ganito, bulong ko sa sarili ko. Nakakapanghina ng loob na manatili rito. Larawan ng paghihirap, at matinding desperasyon ang lugar. Paano gagaling ang pasyente kung mismong kapaligiran nito ay punong-puno ng pighati?
Ito ang masakit na kalagayan ng ating mga publikong ospital. Hindi dapat magpatuloy ang ganitong senaryo.
Maaaring mas worse pa ang totoong sitwasyon dito. Ang nakita ko lamang ay ang pisikal na kaganapan at hindi internal.
At hindi ko matagalan.
Palyadong Health Care
Isa ang kalusugan sa laging top priority sa pambansang badyet. Ngunit ngayong taon, sinasabing bumaba ang ibinigay na badyet dito sa kabila ng pangako ni Pangulong Marcos Jr. noong State of the Nation Address (SONA) na isasailalim sa structural changes ang naturang ahensiya.
Nabawasan umano ang health budget ng halos limang porsyento mula P209.13 bilyon noong 2023 ay naging P199.12 bilyon na lamang ngayong 2024. Sa kung paano o saan inilalaan ang naturang badyet ay hindi na natin tutukuyin, basta’t isa rito ay ang ekspansyon o pagpapalawak ng health facilities.
Ang Health Facility Operations Program o HFOP ang gumagamit umano ng pinakamalaking share sa department budget—nasa P70.3 bilyon. Ang HFOP ang nagpopondo sa mga DOH-retained hospitals, publicly-owned blood centers, national reference laboratories at dangerous drug abuse treatment and rehabilitation centers.
Nakakalungkot na bumaba rin ang funding support ngayong taon para sa apat na malalaking publikong ospital ng bansa: ang Lung Center of the Philippines (LCP), National Kidney and Transplant Institute (NKTI), Philippine Children’s Medical Center (PCMC) at Philippine Heart Center (PHC).
Ibig sabihin ng pagtapyas ng pondo sa mga ospital na ito ay mababawasan din ang kakayanan ng mga ordinaryong mamamayan na maysakit na makakuha ng serbisyo sa mga ospital na ito. Upang magpatuloy kasi, napi- presyur ang mga government hospitals na tumaggap ng private clients at mas may tendency na unahin ang mga may pambayad na kliyente upang masiguro na magpatuloy ang operasyon ng naturang government facility, to the detriment of public health service o ng mahirap na maysakit na mamamayan.
Hindi rin gaanong mai-arangkada ang mga health prevention programs (na ayon sa isang ekperto ay siya dapat inuuna) dahil sa isyu ng sapat na funding sa health budget.
Ang masaklap, ang DOH social protection program, na umaasikaso sa mga indigent patients na naka confined sa mga publikong ospital, ay “defunded” din ngayong 2024.
Mas nangingibabaw ang mekanismo para isapribado at commercialization ng health system ng bansa.
Sa isang banda, ang Malasakit Center, na naisabatas sa pamamagitan ng Republic Act 11463, ay nakakapagbigay-suporta sa halos 15 milyong Pilipino. Ang downside lamang nito ay namamayani rin ang palakasan at utang na loob upang makakuha ng tulong. Mas mainam sana na irebyu ang mga polisiya at patakaran ng batas na ito upang maalis ang diskriminasyon sa public health services at lahat ng nangangailangan ay matulungan.
Sa kabila ng kuwestiyonableng polisiya sa health care at di makatuwirang pagtitipid sa pondo para sa kalusugan na dahilan kung bakit kalunos-lunos ang kalagayan ng mga pampublikong ospital, nakakabawas sa dismaya ang pagkakaroon ng ilang butihing social workers gaya ni Ginoong Adrian Azotea at public servant/elected public official Jessica Valenciano Ayuson na mabilisang tumugon sa hiling ko na tulungan ang isang indigent patient sa QMMC.
Tao ang sinasabing kayamanan ng bawat bansa.
Dapat magsimula sa pagpapahalaga sa kalusugan ng tao ang maraming batas upang maging sustenido ang health care sa Pilipinas. Dapat unahin ng pamahalaan ang maayos na sistemang pangkalusugan!