HALOS triple ang bilang ng kaso ng dengue sa unang 10 buwan ng taon kung ikukumpara noong 2021, ayon sa Department of Health.
Sa report ng DOH, umabot sa 196,728 ang kaso ng dengue mula Enero 1 hanggang Nobyembre 5. Sa naturang bilang, 642 ang naitalang nasawi.
Base sa datos, 191 porsyentong higit na mataas ito kumpara sa naitala noong isang taon sa katulad na panahon. Noong 2021, merong 67,537 kaso ang naitala habang 247 dito ang nasawi.
Ang Central Luzon ang nakapagtala ng pinakamaraming kaso na may bilang na 38,640 habang Metro Manila ang ikalawa na may 22,666 at Calabarzon na 16,575.