BUMABA ang bilang ng mga kabataang nagbibisyo tulad ng paninigarilyo at pag-inom ng alak nitong nakaraang taon.
Ito ay base sa datos ng UP Population Institute (UPPI) noong 2021.
Ayon sa datos, bumaba ang bilang ng mga taong nasa edad 15 hanggang 24 na naninigarilyo, umiinom, at gumagamit ng droga.
Bumaba ang bilang ng mga kabataang naninigarilyo sa 12 porsiyento mula sa dating 20 porsyento na naitala noong 2013.
Samantala, ang bilang ng mga kabataan na umiinom ng mga inuming nakalalasing ay nasa 29 porsyento noong 2021 mula sa 37 porsyento noong 2013.
“Isang factor is because of the pandemic, hindi sila nakakalabas. Drinking is a social activity so tsaka meron ding mga liquor ban. Pwede ring mas may appreciation to healthy lifestyle like for example with smoking and COVID-19 kasi yung ano mo is respiratory,” ayon kay Dr. Elma Laguna, assistant professor sa demography ng UPPI.
Sinabi ni Laguna na maaaring maapektuhan din ng Sin Tax Law ang pagkonsumo dahil tumaas ang presyo ng mga sigarilyo at alcoholic drinks.
Hindi bababa sa 16 porsyento ng mga kabataan ang sumubok ng vape, habang 0.1 porsyento ang sumubok o gumamit ng droga, mula sa 2.4 porsyento noong 2002.
“Pwedeng i-explore ano yung tama nating ginawa para maengganyo silang iwasan ang mga bisyo or yung sigurong mga programa para mas mapromote pa ang healthy lifestyle,” ani Laguna.