PITO sa bawat 10 Pilipino o 72 porsyento ng populasyon ng Pilipinas ay may sirang ngipin, ayon sa pag-aaral ng Philippine Dental Association (PDA).
Karamihan sa may tooth decay, ani PDA executive secretary Sheryl Lantica, ay mga elementary school pupils.
“Bulk of these statistics are five to 12 years old, meaning the school children of the Philippines. It has become the leading reason why children are absent from school,” pahayag ni Lantica.
Samantala, lima sa bawat 10 Pinoy ang dumaranas naman ng iba’t ibang gum o periodontal diseases na nakakaapekto sa gilagid at mga mga buto sa ilalim ng gilagid.
Bunsod nito, pinayuhan ni DOH Maternal Child and Adolescent Health Division chief Manuel Vallesteros na dapat pagtuunan ng pansin ang dental home at oral health primary care.
Magagawa ito sa pag-iwas sa matatamis, tamang pagsisipilyo, at regular na check up sa dentista, aniya.
“Umiwas din sa bisyo, alak, sigarilyo at vape. Iwasan ang pagnguya ng betel nut o nganga dahil ito ay maaaring magdulot ng oral cancer,” dagdag ni Vallesteros.