BAKA may kasamang gourmet pancit o di kaya ay specially-designed color-blocked na sapin-sapin? O baka naman may hibla ng ginto at silver ang hinabing kawayan at may butil-butil na swarovski crystals ang paligid na hawakan?
Ganito ang mga tanong ng mga tambay sa kanto (at ng mga tito at tita sa coffee shops) nang bumungad sa kanila ang isang bilao na inalalako bilang isang “wall art” ng American furniture store na Pottery Barn sa kanilang website.
Ang presyo nito ay tumataginting na $299 o humigit-kumulang P14,300!
Round 42” Bamboo Wall Art ang bansag sa bilao na ayon sa website ay “imported,” “handcrafted from bamboo,” at may taas na 1.5 pulgada at bigat na dalawang kilo.
Mapang-akit ang deskripsyon ng Pottery Barn sa bilao: “Reminiscent of open-air market selling baskets, with a slightly concave shape and shallow rim, it adds warmth, texture and eclectic style wherever it’s hung.”
Kaya alok nito sa mga kostumer: “Round out your accent wall with this impressive woven art piece made from bamboo.”
Pero, seryoso, sino’ng Pinoy na nasa maayos na pag-iisip ang bibili ng P15,000 halaga ng bilao?
Kaya hindi ito pinalagpas ng food writer/historian, graphic artist at award-winning book designer na si Ige Ramos, na sinabing nawindang siya nang makita ang kumalat na larawan ng “nakakalokang” bilao mula sa Pottery Barn.
Biro ni Ramos, na tagataguyod din ng Filipino pop culture, mas magiging kumpleto ang disenyo kung sasamahan ng “walis tambo sa bedside table at ang wall lamp, gasera ng mangingisda.”
“Parang playtime,” iling niya sa sinumang nakaisip na gawing dekorasyon at ibenta nang ganoon kamahal ang bilao.
Totoo, magkano lang ba mabibili ang bilao sa ilalim ng Quiapo? Kung oorder ka ng pansit o sapin-sapin sa palengke, hindi ba libre na ito?
At pakisabi sa Pottery Barn, dagdag ni Ramos, winnowing basket ang English ng bilao.