THE irony is not lost on people.
Kaya imbes na manghilakbot ay marami ang na-amuse nang makita ang bagong kasal na ginamit bilang bridal car ang hiniram nilang sasakyan na ginagamit naman sa pagta-transport ng patay.
Ayon sa mga nakakita sa karo ng patay sa kasal, akma para sa bride and groom ang sasakyan dahil ito umano ang simbolo na kamatayan o pagtatapos ng kanilang pagiging mga single.
Sinabi naman ng iba na bagay rin ang karo para sa ang linyang “till death do us part” na binabanggit ng mga ikinakasal.
Kabilang ang mag-partner na Alex at Lani Galizo sa mga pares na pinag-isang dibdib sa mass wedding sa Alegre Baptist Church sa bayan ng Barotac Viejo kamakailan.
Sa kwento, nais umano nina Alex at Lani na maging bongga ang kanilang kasal kaya nagplano silang gumamit ng bridal car.
Pero dahl wala silang kaibigan na mahihiraman ng sasakyan ay nagbakasakali sila sa isang kakilala na may-ari ng punerarya.
Hindi naman sila tinanggihan nito at sa araw ng kasal ay idineliber ang karo ng patay na may dekorasyong bungkos ng bulaklak sa unahan ng sasakyan, isang itim na Ford Expedition.
At gaya nang inaasahan, naging sentro ng atraksyon at nag-trending pa sa social media ang bagong kasal at ang kanilang unique na bridal car.