NANGALAP ng 500,000 pirma bilang suporta sa FPJ Panday Bayanihan party-list ang ilang grupo na nagsusulong para maipanalo ang kandidatura ng nasabing partylist group.
Nitong Abril 11, pinangunahan ng Volunteer Poe Kami Movement ang pormal na paghahain ng nasabing 500,000 lagda na nakalap nila para suportahan ang FPJ Panday Bayanihan.
Malugod namang tinanggap ni Brian Poe Llamanzares, apo ni FPJ at first nominee ng party-list group, ang regalo ng grupo.
Ayon kay Ricky Mallari, pinuno ng nasabing volunteer group, ang signature campaign ay nagsusulong para ituloy ang adbokasiyang sinimulan ng hari ng pelikulang Filipino na si Fernando Poe Jr.
Sa pamamagitan ng mga grassroots activities tulad ng pag-ikot sa mga palengke at terminal ng tricycle, matagumpay nilang naiparating ang layunin sa mga komunidad.
Maganda ang naging tugon sa mga lugar gaya ng Pasig, Taguig, Marikina, Pateros, San Juan, Las Piñas, Muntinlupa, at Bacoor.
Malaking suporta rin ang nakuha mula sa mga residente ng Lalawigan ng Rizal at ikatlong distrito ng Pangasinan.
“Kami po sa Volunteer Poe Kami Movement ay nagsimula noong 2003, noong tumakbo si Da King. Kasama po kami noon sa bumuo ng quick count ni Da King, 22 taon na ang nakalipas,” pagbabahagi ni Ricky Mallari ukol sa kasaysayan ng kanilang grupo.
“Sinimulan po namin ang adbokasiya ng pagsuporta sa FPJ Panday Bayanihan Partylist. Umiikot po kami sa mga palengke, nag-bahay-bahay. Kaya sa kabuuan, nakaipon kami ng mahigit 300,000 pirma. Ito po ang aming munting ambag para sa FPJ Panday Bayanihan Partylist.”
Anya, 300,000 lang na lagda ang layon nila ngunit nakakalap pa sila nang higit dito.