TILA isang panunuya kay Pangulong Bongbong Marcos ang naging talumpati ng kanyang dating Executive Secretary at ngayon ay PDP Laban senatorial bet Vic Rodriguez sa proclamation rally ng partido ngayong Huwebes sa San Juan City.
Binalikan ni Rodriguez ang naging pahayag ni Marcos sa proclamation rally ng kanyang Alyansa Para sa Bagong Pilipinas kung saan sinabi nito na merong ilang kandidato sa pagkasenador ang tila parang pinabili lang ng suka.
Ayon kay Rodriguez “teak suka” nga ang partidong kinaaniban pero lalaban anya sa mga “mambubudol” o scammer.
“Hindi man po ako gumagawa ng suka, subalit, nung ako ay bata, maraming beses din naman akong nautusang bumili ng suka ng aking ina,” pahayag ni Rodriguez sa proclamation gathering ng PDP-Laban sa Club Filipino.
“At wala pong nakakahiya doon. Sapagkat bagamat ako ho ay nakabili ng suka nang maraming ulit at nautusang bumili ng suka nang maraming ulit, may diploma ho ako at nakapagtapos ako ng kolehiyo,” hirit pa nito.
“Meron akong diploma, at higit sa lahat meron akong certificate na nagpapatunay na ako ay isang abogado,” dagdag pa ni Rodriguez.
Matatandaan na noong 2022 presidential elections, lumutang ang mga isyu kay Marcos tungkol sa ginawa umano nitong pandodoktor na siya ay nagtapos sa Oxford University sa London.
Gayunman, nagpalabas ng pahayag ang unibersidad na nagsasabi na sila ay nababahala sa diumano’y misinformation hinggil sa educational attainment ni Marcos.