MGA botante nga ba ang may kasalanan bakit nahahalal ang mga pulpol na pulitiko?
Maaari rin namang kasalanan ng mga tumatakbo sa pwesto kung bakit sila hinahalal ng mga botante.
Una, kung alam na ng tumatakbo para sa isang posisyon na wala siyang alam, bakit pa siya tatakbo?
Isa lang ang sagot – sikat siya dahil artista siya o sikat siya dahil panay ang mema niya sa mga isyu ng bansa. Pwede ring sumikat dahil may YouTube channel na maraming followers o may million followers sa Facebook at TikTok.
Kung papansinin natin ang mga tumatakbo ngayong 2025 midterm elections, may ilan sa kanila walang experience sa politika. At ang gustong pwesto ay maging mambabatas.
Hindi nga naging konsehal o kahit barangay tanod man lang.
Walang political experience.
Walang background man lang sa kahit anong posisyon sa gobyerno.
Pero feeling nila magagaling na sila.
May isa nga, akala niya pwedeng credentials ang pagiging best actor niya.
Yung isa naman, porke magaling mag-host, pwede na maging mambabatas.
May mga magkakapatid na gusto rin maging mambabatas. Yung isa dun, na-involve sa isang malaking kaso na daang milyon ang halaga.
Yung iba, wala namang bagong plataporma.
May mga dati nang tumakbo at nanalo na tatakbong muli dahil may pwede pa raw silang i-contribute bilang mambabatas.
Aba, hindi pa ba sapat yung 18 hanggang 30 years na umupo sila bilang mambabatas? Puro rehash din naman ang kanilang ipinipresentang plataporma.
Kung botante ka, malamang sa malamang at yung sikat at kilalang pangalan nga ang iboboto.
Ngayon, kung talagang may malasakit sa kapwa itong mga nag-aasam na maging mambabatas, sana mas naisip nila na pwede naman silang tumulong bilang isang pribadong citizen ng Pilipinas.
Gamitin nila ang kanilang kasikatan sa pagtulong sa pribadong paraan. Tama na yung isang nakaupo na hindi man lang marunong mag “I move.”
Kesa naman pagtawanan sila ng anim na taon dahil wala talaga silang alam.
Tama na ang pagiging OJT.
Ngayon, ang talagang may kasalanan ay itong mga tumatakbo na sikat lang o mga feeling sikat pa sila. O mga feeling magagaling at matatapang. O mga feelingero lang talaga.
Tingin ko, mas mag-iisip ang mga botante kung sino sa mga matitino ang pipiliin nila kung hindi tatakbo itong mga sikat lang.
Sana, mas magiging maayos ang ating lehislatura kung ang iboboto ay mga tunay na may malasakit sa bansa natin, kahit hindi sila sikat, dahil alam nila ang gagawin nila bilang mga mambabatas.
Kasalanan ito ng mga tumatakbong kasikatan lang ang pinagmamalaking credentials.