Pinoy Workers party-list pinahalagahan papel, kontribusyon ng tricycle driver

ISA ang grupo ng mga tricycle drivers ang pagtutuunan ng pansin ng party-list group na Pinoy Workers dahil sa ambag nila sa komunidad at ekonomiya.

At kamakailan lang, nakipagpulong sa mga tricycle driver at operators sa isang barangay sa Puerto Princesa sa Palawan ang Pinoy Workers party-list na pinangungunahan ng first nominee nito na si Franz Vincent Fernandez-Legazpi ng Pinoy Workers, para himayin ang mga isyung kinakaharap ng kanilang sektor.

Tinalakay rin nila ang mga posibleng suporta at programang pangkabuhayan na makakatulong sa sektor ng transportasyon sakaling makapuwesto ang Pinoy Workers sa Kongreso sa darating na halalan.

Ibinahagi ng mga lider ng TODA ang kanilang mga hinaing, kabilang ang pangangailangan ng medikal na tulong at ang posibilidad na mareklasipika ang ilang kalsada upang muling payagan ang tricycle sa mga pangunahing lansangan.

Hiniling din nila ang suporta ng gobyerno sa pagbibigay ng karagdagang pagkakakitaan para sa mga driver at kanilang pamilya.

Binigyang-diin ni Legazpi ang hindi matatawarang kontribusyon ng mga tricycle driver sa lungsod.

“Simula pagkabata natin hanggang ngayon, ang ating mga tricycle ay nagseserbisyo na sa Puerto Princesa. Hindi po talaga mapapalitan ang halaga ng kanilang papel sa komunidad. Napakinggan natin ang kanilang mga problema at pagtutulungan natin ang pagbuo ng mga solusyon,” aniya.

Ipinahayag din ni Legazpi ang kahandaan ng kanilang grupo na makipagtulungan sa mga lokal na awtoridad upang pag-aralan ang reklasipikasyon ng ilang kalsada para sa mas malawak na ruta ng mga tricycle.