PINAALALAHANAN ni dating Senador at ngayon ay senatorial candidate Ping Lacson ang mga tauhan ng Philippine National Police at Armed Forces na manatiling non-partisan matapos ang diumano’y panawagan para sa “partisan activity’ dahil sa pag-aresto at paglipat sa The Hague kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Lacson, dapat maging mapanuri ang bawat miyembro ng AFP at PNP sa mga panawagan na ginagawa sa social media dahil nga sa naglipana na ang fake news.
“Manatiling professional at tapat sa kanilang tungkulin. ‘Yan lang siguro ang pinakamagandang mensahe,” ayon kay Lacson sa panayam ng dzRH.
“In this day and age of IT, maraming fake news na kumakalat. Alam naman natin, nasa training nila ‘yan, dapat meron silang fact checking lagi. At kung meron mang ganoong balita, huwag sila makihalo,” dagdag pa ni Lacson na kabilang sa administration senatorial slate.