Nancy Socrates, magtatala ng kasaysayan sa Puerto Princesa?

PUERTO PRINCESA CITY – Posibleng maitala sa kasaysayan ng lungsod si Nancy Socrates bilang kauna-unahang babaeng alkalde ng Puerto Princesa kung siya ang mahahalal sa Lunes, Mayo 12.

Bitbit ang platapormang Serbisyo, Puso, at Sinseridad, nangakong tututok si Socrates sa mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan: kalusugan, edukasyon, at pang-araw-araw na suliranin tulad ng trapiko at pagbaha.

Isa sa kanyang mga flagship proposals ay ang pagtatayo ng isang city-run hospital na pag-aari at pamamahalaan ng pamahalaang lungsod. Sa ngayon, halos lahat ng mga residente ay nakadepende sa Ospital ng Palawan, na pinatatakbo ng Department of Health.

“Kailangan ng lungsod ang sarili nitong ospital, lalo’t lumalaki na ang populasyon,” ani Socrates.

Base sa PSA data, may mahigit 307,000 na residente ang Puerto Princesa, at mahigit 10% nito ay seniors. Layunin ni Socrates na gawing VIPs ang mga nakatatanda sa pagbibigay ng health cards, libreng checkup, gamot, at food support.

Dagdag pa rito ang pagpapatatag ng feeding programs at school support sa mga pampublikong paaralan, bilang tugon sa isyung malnutrisyon at kakulangan ng gamit sa eskwela.

Tututukan din ni Socrates ang problema sa trapiko at baha, na madalas ireklamo ng mga residente. Ayon sa City Engineering Office, nasa higit 8,000 ang rehistradong tricycle units—na siyang pangunahing transportasyon ng mga taga-lungsod.

Nais ni Socrates na “ayusin, hindi ipagbawal” ang biyahe ng mga tricycle sa pamamagitan ng mas malinaw na ruta, waiting areas, at traffic flow management.

Kung siya ay mananalo, manunumpa si Socrates bilang kauna-unahang babaeng mayor ng Puerto Princesa—isang makasaysayang tagumpay para sa lungsod at para sa kababaihan sa lokal na pamahalaan.