Kampanya bawal na – Comelec

NAGPAALALA ang Commission on Elections (Comelec) na bawal na ang mangampanya ngayong araw, Linggo, Mayo 11, dahil opisyal nang nagwakas ang campaign period.

Ayon kay Comelec chair George Garcia na bawal ang anumang uri ng pangangampanya at hinikayat ang lahat ng mga kandidato at mga kanilang mga tagasuporta na alisin ang lahat ng campaign materials tulad ng tarpaulin at posters na nakakalat pa sa iba’t ibang lugar.

Maging ang mga post sa social media ay bawal na rin, paliwanag pa ni Garcia.

“Pakipatanggal na po kasi baka ma-consider ‘yan na kampanyahan pa rin. At siyempre kahit sa social media,” ayon kay Comelec Chairman George Garcia.

Sa mismong araw ng halalan, bawal ding umikot ang mga kandidato pagkatapos bumoto dahil maaari itong ituring na “last-minute campaigning.”

Maaari namang magsuot ng anumang kulay ang mga kandidato basta’t walang mukha o nakalimbag na pangalan nila sa damit.

Nagbabala rin ang Comelec laban sa posibleng paglala ng vote-buying sa mga huling araw bago ang eleksyon.

Ayon kay Garcia, parehong mananagot ang mamimili at magbebenta ng boto.

“Paglabas ng botante, may sobre o may picture ng kandidato—‘yan ang vote-buying, at ‘yan ang babantayan namin.”

Hinikayat ng Comelec ang publiko na maging mapagmatyag at i-report agad ang anumang paglabag upang matiyak ang malinis at tapat na halalan.

Tiwala naman si Garcia na magiging mapayapa at maayos ang halalan sa Lunes.

Magsisimula ang botohan alas-5 ng madaling araw para sa mga senior citizen, buntis, at PWDs, habang 7 ng umaga hanggang 7 ng gabi ang botohan.