TULUYAN na nga bang inilaglag ni Pangulong Bongbong Marcos ang kanyang ate na si Senador Imee Marcos sa listahan ng senatorial slate?
Ito ay matapos hindi na naman isama ng pangulo ang pangalan ni Imee sa mga senador na kanyang iniendorso na dapat ibotong senador sa darating na eleksyon sa Mayo sa rally ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa Sta. Rosa, Laguna nitong Sabado.
Bukod dito sinabi rin ng pangulo na ang Alyansa ay binubuo ng “11 kandidato” at hindi 12.
Ito ang ikalawang beses na hindi binanggit ni Bongbong ang kapatid sa campaign rally ng alyansa, na unang nangyari sa Cavite nitong Biyernes.
Sa kanyang endorsement speech, inisa-isa ng pangulo ang pagbibida sa kanyang mga senatoriables nang humarap sa publiko sa East Bloc Nuvali Sabado ng gabi.
Samantala, ang rally sa Laguna ang ikatlong beses na hindi dinaluhan ni Imee simula nang arestuhin si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Anya, dismayado siya sa ginawa ng administrasyon sa ginawang pagpayag nitong maaresto ang dating pangulo at isuko sa International Criminal Court.
Dahil dito, nagpatawag pa ng pagdinig si Imee sa ilalim ng Senate committee on foreign affairs na kanyang hinahawakan, dahil sa kuwestyunableng pag-aresto kay Duterte.