Taunang pagtaas ng minimum wage, isusulong ng Pinoy Workers Partylist

KUNG papalarin sa Kongreso, sisiguraduhin ng Pinoy Workers Partylist na magkakaroon ng mas disenteng pamumuhay ang mga manggagawang Pilipino.

Isa sa mga pangunahing panukalang batas na kanilang itutulak ay ang taunang pagtaas ng minimum wage batay sa inflation rate ng nakaraang taon. Layunin nitong tiyakin na hindi bumababa ang tunay na halaga ng kita ng manggagawa at naisasabay ito sa tumataas na gastusin sa araw-araw.

Ayon kay Franz Fernandez-Legazpi, isang Cuyunon mula Puerto Princesa at first nominee ng Pinoy Workers Partylist, ang gobyerno ang dapat kumilos para sa kapakanan ng mga manggagawa, hindi ang manggagawa ang kailangang magmakaawa para sa tulong.

“Ang gobyerno ang dapat lumapit sa manggagawa, hindi ang manggagawa ang kailangang magmakaawa para sa tulong. Responsibilidad ng estado na tiyakin na may sapat na oportunidad, proteksyon, at suporta para sa bawat Pilipinong naghahanapbuhay,” giit ni Fernandez-Legazpi.

Boses ng Palawan, boses ng manggagawa

Bilang kauna-unahang partylist na isinilang sa Palawan, layunin ng grupo nina Fernandez-Legazpi at second nominee Engr. Ralph Santos na ipaglaban hindi lamang ang kapakanan ng mga manggagawa sa buong bansa kundi lalo na ang mga nasa malalayong lalawigan.

Kabilang sa kanilang isinusulong na panukalang batas ang:

  • Pagtatatag ng National Job Seekers Center para gawing mas madali ang paghahanap ng trabaho at pagsasanay para sa mga Pilipino.
  • Unemployment insurance upang mabigyan ng agarang tulong ang mga nawawalan ng trabaho.
  • Magna Carta for Freelancers upang tiyakin ang proteksyon ng gig workers at kontraktwal laban sa pang-aabuso at hindi patas na patakaran sa paggawa.
  •  Mas pinahusay na scholarship program para sa mga anak ng magsasakang kukuha ng kursong agrikultura, upang palakasin ang sektor ng agrikultura sa hinaharap.

“Ang laban ng mga manggagawa ay hindi lamang tungkol sa sahod o benepisyo. Ito ay laban para sa dignidad, laban para sa kinabukasan ng ating pamilya, at laban para sa isang Pilipinas na may patas at maunlad na ekonomiya,” ani Fernandez-Legazpi.

Agenda para sa Manggagawa

Ayon kay Fernandez-Legazpi, ipagpapatuloy ng partido ang mga serbisyong sinimulan sa unang at ikatlong distrito ng Palawan sa ilalim ng pamumuno ni House Speaker Martin Romualdez.

“Isusulong namin ang mga batas na hindi lang magbibigay ng trabaho kundi magsisiguro ng disenteng kabuhayan para sa bawat Pilipino. Kailangang palakasin ang ating ekonomiya at tiyakin na ang paglago nito ay nararamdaman ng lahat, hindi lang ng iilan,” aniya.

Dagdag pa niya, hindi dapat magpatuloy ang kawalan ng oportunidad para sa maraming Pilipino. Kailangan ng mas matibay na suporta para sa maliliit na negosyo, pagpapalawak ng imprastraktura, at pagsasanay na magbibigay sa mga manggagawa ng kasanayang kinakailangan upang makasabay sa nagbabagong merkado.