IGINIIT ni vice presidential candidate Senate President Vicente Sotto III na dapat sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) gawin ang drug test para masiguradong hindi kwestiyonable ang resulta.
“Ang pinakamaganda, dahil ito pinag-uusapan natin top two positions in the land, kailangan dito transparent. So ang pinakamaganda yung sa PDEA,” ani Sotto.
“Salamat naman at sumusunod na yung iba, kaya lang sana ganun din ang gawin ng iba, sa PDEA sila,” dagdag ni Sotto.
Nitong linggo ay sabay na nagpa-drug test si Sotto kasama ang kanyang presidential running mate na si Senador Panfilo Lacson sa PDEA. Kapwa naman silang nagnegatibo.
Matapos nito, nag-anunsyo na rin ang iba pang aspirants para sa pagkapangulo at bise-presidente matapos sumailalim sa drug test.
“Ang ginawa namin, sinuguro ko na unquestionable yung sistemang ginamit namin. At ang unquestionable is pumunta ka sa PDEA. Doon mismo kasi may system kung papanong gagawin,” dagdag ni Sotto.
“Hindi pwedeng basta drug testing center o kung saang clinic lang, hindi reliable yun. Una yung drug testing na ginagamit, pang-shabu lang or pang-marijuana lang, yun ang pinaka common e. Yun ang common drug testing kit nationwide.”
Anya hindi lang sa shabu at marijuana sila negatibo ni Lacson kundi maging sa cocaine.
“Kung ano ang resulta nun, tunay ang resulta. At lahat ng droga, naka-target. Multi-drug yun,” paliwanag ni Sotto.
Kamakailan lang, nagpasabog si Pangulong Duterte matapos nitong akusahan ang isa sa mga kandidato na gumagamit ng cocaine.